http://analyn30.blogspot.com/

Sunday, January 27, 2008
Ako at ang aking buhok...bow
Nung bata pa ako, makintab at tuwid ang buhok ko. Madalas sabihin ng mga tao na maganda ang buhok ko - hindi tumitikwas, palaging bagsak. Kaya naman habang ako ay lumalaki, nakasanayan kong maayos ang buhok ko. Kapag ako noon ay nagpapagupit, ang madalas sabihin ng nanay ko ay "apple cut" - na mas kilala bilang bob cut at may bangs kung saan ang aking noo ay natatakpan ng aking buhok. Bagay pa sa akin noon ang maikling buhok sapagkat ako ay isang patpating bata. At syempre, naranasan ko rin ang magkaroon ng kuto at ito ang nagiging dahilan upang ako ay magpagupit. Kung makikita mo ang aking mga larawan, halos iisa ang gupit ko hanggang ako ay nasa Grade 4.

Nung Grade 5 ako, sinubukan kong pahabain pa ang buhok ko. Hindi ako nagpunta sa manggupit sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, humaba ang buhok ko hanggang sa aking baywang. Wala na rin akong bangs. Marami ang nagsasabi na nagmukha akong matanda dahil sa ayos kong iyon. Nung panahon ring yun, madalas sabihin ng aking kamag-aral na marami akong patay na buhok. Dahil dito, tumatak sa isipan ko na hindi bagay sa akin ang mahabang buhok at marami akong patay na buhok (which is bad).

Pagsapit ko ng High School, minabuti kong paputulan ulit ng maikli ang aking buhok dahil sa ako ay lilipat na rin ng paaralan. At para na rin magmukha akong trese anyos. Bumalik sa "apple cut" ang buhok ko. Kapag nagsisimula nang tumikwas ang buhok ko, nagpapagupit na ako. Halos iisa pa rin ang gupit ko. Ang pinakamahaba lang ay nung 4th year ako kung saan umabot ito lampas balikat. Subalit ang hindi ko makakalimutan ay ang yearbook picture ko dahil flyaway ang buhok ko nun. Naalala ko pa ung kabarkada ko habang inaayusan nya ako dahil pinipilit nyang wag tumikwas ang buhok ko. Subalit sadyang pasaway talaga ang buhok ko kaya naging ganun ang litrato ko.

Pagtuntong ko sa kolehiyo, nagsimula nang maging wavy ang buhok ko. Ang resulta, madalas tumikwas ang buhok na sya namang kinainisan ko kaya ako ay madalas magpagupit. Dito ko naranasang paikliin ang buhok ko, to the point na parang panlalaki na ang gupit ko. Naiinis kasi ako dahil mahirap at matagal mag-ayos ng buhok sa umaga. Natutunan ko na rin palang magpagupit sa Davids at malaman kung ano ang ibig sabihin ng wash, cut and blow dry.

Nung kolehiyo, marami akong nakilalang naging kikay. Merong nagpapa-hot oil linggu-linggo; merong nagbigay sa akin ng anti-frizz products para hindi daw tumikwas ang buhok ko. Sila ang nagturo sa akin na maliban sa paggupit, ang parlor ay may prosesong tinatawag na relax. Sinubukan kong magpahaba ng buhok at gawin ang prosesong ito. Mahal man kung ituturing para sa isang mag-aaral na katulad ko subalit masasabi ko na dun ko lang naramdaman na sobrang ganda ko (syempre, ang ganda ng buhok ko e hehehehe). Matapos ang isang taon, nawala na ang bisa ng relax kaya naisipan kong magpa-relax muli. Ngunit sa pagkakataong ito, nag-downgrade ako sa suking parlor sa aming komunidad dahil kailangan kong makatipid. Ang resulta, nagmukhang tambo ang buhok ko at nasira dahil sa tapang ng gamot. Naranasan ko na ring magkaroon ng split ends. Dahil dito, nagkaroon ako ng unang alituntunin pag dating sa buhok: hinding hindi ko na babaratin ang buhok ko.

Nung ako ay naghahanap ng trabaho, sinimulan kong pahabain ulit ang buhok ko. May kwento kasi ako tungkol diyan. Nung nagkaroon ng job fair sa aming unibersidad, namigay ako ng resume sa mga employers. Nang iabot ko ang resume sa isang kumpanya, ako ay napagkamalang lalaki. E kasi naman, boy cut ang buhok ko tapos wala pa akong makeup. Kaya naman nabuo ang pangalawang alituntunin: magpahaba ng buhok habang nag a apply at maglagay ng makeup para naman magmukha akong babae. Dahil rin dito, natuto akong maglagay ng kung anu anong kulorete sa aking mukha.

Nang ako ay nagkaroon ng trabaho, taun taun kong pinapa-relax ang buhok ko. Ngunit hindi pa rin ito sapat, sapagkat napaka-humid sa Pilipinas at madalas pa akong mag-commute. Sa madaling salita, palagi pa ring magulo ang buhok ko. Umaayos lang ito isang buwan matapos kong magpa-relax. Isama pa ang dahilan na 2-3 oras ang byahe ko sa umaga kaya ako ay wala nang panahon para ayusin ang buhok ko.

Bago ako umalis ng Pilipinas, madalas akong nagpapagupit. Pero ewan ko ba, feeling ko minamalas ako kasi tingin ko ginago ako. Bago ako umalis papuntang Estados Unidos, kasagsagan pa ng F4 noon. Hindi ko alam kung fanatic lang talaga ung nanggugupit sa akin kaya naman naging ganun ang buhok ko. Dahil dito, wala akong choice kundi paiklian ang buhok ko na para akong lalaki. Ang nakakainis pa, kaka-relax ko pa lang noon kaya feeling ko, baliwala lang ang pagpapa-relax ko.

Dahil sa ako'y namalagi sa US sa loob ng 6 na buwan, humaba ang buhok ko dahil mahal magpa-parlor dun. Maraming nagsabi na mas bagay nga raw ang mahabang buhok sa akin. Kung ang buhok mo ay wavy at madalas kang mag commute, mahirap talaga i-maintain yun. Una pa lang, kapag sumakay ka sa jeep, tiyak na mahahanginan ang buhok mo sa iisang direksyon. Sa maniwala kayo o sa hindi, naranasan ko na ring magbandana para naman ndi forever flyaway ang buhok ko sa iisang direksyon.

Nang ako ay nagsimulang mag-trabaho d2 sa Malaysia, hindi ko na dinaranas ang katakot takot na pag-co-commute. Hindi rin masyadong humid kumpara sa pinas. Kaya naman nagkaroon ako ng oras mag ayos at sinimulan ko na ring pahabain ang buhok ko. Mas natuwa akong ayusin ang buhok ko - naranasan ko nang mag-experiment; naglagay na ako ng highlights, side bangs at higit sa lahat, naranasan ko nang magpakulot (kahit isang gabi lang).. at nagustuhan ko naman ang resulta :)

Bakit ko naman naisulat ito? Wala lang.. nais ko lang ipabatid kung gaano ako obsessed sa buhok ko. Hindi man masyadong halata pero babae naman talaga ako. Kapag ako ay stressed, madalas akong pumunta sa parlor. Bahala na kung anong gagawin sa buhok ko, as long as maganda naman ako.

Note: Ipagpaumanhin po ninyo kung hindi ko masyadong naayos ang nilalaman ng lathalaing ito. Inaantok na kasi ako at sinusulat ko na lang kung anuman ang pumasok sa isip ko. Ito rin ang dahilan kung bakit mas pinili kong isulat ito sa wikang Tagalog.
posted by subhuman @ 11:16 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 

About Me

passionate about music; an aspiring teacher; a frustrated mathematician; an explorer

Recent Post

Archives

Template-By

Visit Me Klik It

Top Links